Mayaman ang
Pilipinas sa mga anyong panitikan na naglalarawan ng kulturang Pilipino. Isa
ang epiko sa mga anyong ito na kinakanta o binibigkas ng mga katutubo bago pa
man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas. Nakikita sa epiko ang mga
paniniwala, ritwal, at kaugalian ng tribo na pinagmulan, kung kaya kailangan
itong panatilihin nang hindi makalimutan ang pinagmulan ng ating mga kultura.
Ang “Labaw Donggon” ay isa sa
mga kilalang epiko sa Pilipinas na mula sa tribo ng mga Sulod na nakatira sa
Panay. Isa sa tatlong anak ng diwatang Launsina at pinunong Datu Paubari, si
Labaw Donggon ang tinadhanang magkaisa sa tatlong kaharian. Magagawa niya ito
kung mag-aasawa siya ng dilag sa bawat kaharian.
Sa
pag-unlad ng teknolohiya, ang makabagong henerasyon ay mahirap nang hikayating
magbasa ng mahahabang naratibo tulad ng epiko. Dahil dito, kailangang mag-isip
ng ibang paraan upang patuloy na ibahagi ang mga panitikang ito. Isa sa mga
epektibong paraan ay tulad ng dulang adaptasyon ng ENTABLADO ng epikong “Labaw
Donggon.” Ang paglakip ng kontemporanyong musika, galaw, koreograpiya, at ang espesyal
na tauhan na si Sandig ay magandang paraan upang aliwin ang mga manonood habang
pinapakita pa rin ang katutubong kuwento ng epiko.
Mapapansing
may mga modernong kaisipan na taglay ang dula, marahil hindi mahigpit na sinunod
ng dula ang orihinal na teksto. Ngunit, kung ihahaming ang buod ng epikong Labaw
Donggon sa daloy ng kuwento ng dula, magkapareho pa rin ito sa pangkalahatan. Sa
dula, nakaaantig ang tagpong nagpapaalam na si Saragnayan kay Nagmalitung-Yawa.
Tila ipinapakita na hindi ubod ng sama at may malasakit si Saragnayan na
kadalasang kabaligtaran sa stereotype
na pagtingin sa mga kalaban sa epiko. Mahal niya ng lubusan si Nagmalitung-Yawa
kaya siya nakipaglaban kay Labaw Donggon para hindi mawala ang sinisinta sa
kanya. Nakipaglaban lamang siya dahil si Labaw Donggon ang lumabag sa bantas na
bawal asawahin ang asawa ng iba. Ngunit dahil si Labaw Donggon ang bayani sa
epiko, nakuha niya si Nagmalitung-Yawa sa tulong ng kanyang mga anak na si Asu
Mangga at Barunugan. Malinaw na makikita ito sa dula, marahil pinupuri lang si
Labaw Donggon sa orihinal na epiko, at masama ang tingin ng mambabasa kay
Saragnayan dahil siya ang kalaban.
Bagaman
nag-iiba ang kaisipan ng epiko tuwing isinasalin, tulad ng nangyari sa dula,
maganda pa rin ang intensiyon sa pagsasalin ng epiko sa kontemporanyong anyo. Makikita
ang kulturang material ng mga Sulod na makikita sa mga kasuotan ng aktor sa
dula. Makikita rin ang kulturang di-materyal tulad ng diwata at bayani at mga
kababalaghan na makikitang gumaganap sa dula. Magandang ideya na gawing tagpo
ng dula ang Cervini Field dahil
malinaw na ipinakita ang flora at fauna ng epiko. Dahil sa mga elementong ito,
mas naenganyo manood ng mga dula at tanghalan ang makabagong henerasyon kaysa
sa magbasa ng mahahabang naratibo. Sa pamamaraan ng Entablado na maglakip ng
kontemporanyong musika, galaw, at sayaw sa dula, mas nabubuo ang karanasan ng
kontemporanyong manonood.
Ayon
kay Tenorio, ang tagapayo ng ENTABLADO, “panawagan [ng epiko] na isang
pangangailangan… ang pagkakaisa sa harap ng mga pagkakaiba” (Tenorio, 2013).
Hindi lamang pinaaalala ng dula ang
paniniwala at kultura ng mga katutubong Sulod, kundi sinasabihan din ang
makabagong henerasyon na kumilos patungo sa pagkakaisa ng bayan kahit na may kaguluhan
at kaibahang hindi kailanman mawawala, tulad ng ginawa ng magiting na bayaning
si Labaw Donggon.