Thursday, January 31, 2013

Bang!


Tahimik ang lugar na ginagalawan mo. Kakaiba ang simoy ng hangin ng hapong iyon. Dahan-dahan kang naglalakad sa kung saan. May nakita kang tao sa malayo. Parang sinusundan ka. May dala siyang baril, kaya dali-dali kang tumago sa likod ng mga nakatambak na kahon. Narinig mo ang sandaang pagputok ng baril. Gusto kang patayin.  Napaisip ka, “may ginawa ba akong masama at nais akong patayin?”

Napansin mong may hawak kang M-16. Kinakabahan ka ngunit kailangan mong gumalaw. “Mamamatay ka kapag hindi ka umalis,” ang sabi mo sa sarili. Umalis ka sa lunggang pinagtataguan. Tumakbo ka, hinahanap ang mga kaibigan mo. Hindi ka pwedeng sumigaw, parang nanunuyo ang lalamunan mo. Maingat kang tumakbo sa susunod na matataguan.

Nakita mo ang isa mong kaibigan. Naghanda kayo sa pagsalakay. Tinangka ninyong patayin iyong mga teroristang nagnanais pumatay sa inyo. “Kanina pa akong tumatakbo at nagtatago. Gusto ring patayin ang dalawa nating kaibigan,” sabi ng kaibigan mo. “Saan na ang iba?” “Nagtatago rin. Hindi ko alam saan,” tumatakbo na kayo habang sinasabi niya ito. Tinangka ninyong barilin ang mga terorista. May napatay kayong iilan, pero alam ninyong marami pang natitira.

Napatigil kayo sa pagtakbo. Dugo… puno ng dugo ang mala-buhanging lupa. Nakita ninyo ang walang buhay na katawan ng dalawa ninyong kaibigan. Sobrang takot ka na, nanginginig na ang buong katawan mo. Ramdam mo nang ikaw na ang susunod. Hindi mo napansing nawala na ang isa mong kaibigan. Tumatakbo ka na, hinahanap ang kaibigan mo.

Hindi mo na napigilan ang pag-iyak. Nanlalabo na ang mga mata mo. Binaril mo iyong mga nakita mong kalaban. Wala ka ng paki kung saan ka tumatama. Hindi ka na makahinga, kailangan mong magpahinga. Tumago ka ulit sa pinakamalapit na lunggang nakita mo. Sa kalayuan, may nakita kang katawan. Napagtanto mo agad, patay na ang isa mong kaibigan… at ikaw ang may kasalanan.

Nananakit na ang katawan mo, parang lulukso na palabas ang puso mo. Umiiyak ka na ng sobra. Wala ka nang lakas, ngunit katutubong gawi na ipreserba mo ang iyong buhay. Nasa harap mo na ang kalaban, nakatutok na ang baril sa iyo. Nakatutok na rin ang M-16 mo sa kaniya.

Isang bala. Isang bala na lamang ang natitira. Isang pagkakataong mabuhay. Bang!                                                                

Tiningnan niya ang kaniyang katawan. Ngumiti. Hinila niya ang trigger.

“Game Over,” nakalagay sa computer screen na kanina mo pang tinitingnan.

“Putakte, patay na naman ako. Break muna, kain tayo merienda.”

Counter strike.

No comments:

Post a Comment